-- Advertisements --

Mariing kinondena ni Pope Leo XIV ang banta ni U.S. President Donald Trump na targetin ang civilian infrastructure ng Iran, at nanawagan ng mapayapang solusyon sa lumalalang tensyon sa Gitnang Silangan.

Sa kanyang pahayag nitong Miyerkules (araw sa Pilipinas), sinabi ng Santo Papa na hindi katanggap-tanggap ang naging banta ni Trump na “whole civilization will die tonight” kung hindi makikipagkasundo ang Iran.

Muli niyang hinimok ang mga lider sa iba’t ibang bansa na piliin ang kapayapaan kaysa sa karahasan.

Ayon kay Pope Leo, ang nagpapatuloy na digmaan ay lalo lamang nagpapalala ng galit at hindi nagdudulot ng solusyon.

Hinikayat niya ang mga lider na bumalik sa negosasyon upang wakasan ang labanan, at binigyang-diin na ang pag-atake sa mga sibilyan ay labag sa international law.

Nagpahayag din siya ng pag-aalala para sa mga inosenteng mamamayan, lalo na ang mga bata, matatanda, at may sakit na maaaring maging biktima ng patuloy na karahasan.

Nanawagan din ang Santo Papa sa publiko na hikayatin ang kanilang mga lider na isulong ang kapayapaan at iwasan ang digmaan.

“I would simply say, once again, what I said in the ‘Urbi et Orbi’ message on Sunday: asking all people of goodwill to search, always, for peace and not violence; to reject war, especially a war which many people have said is an unjust war, which is continuing to escalate and which is not resolving anything,” ani Pope Leo.

Samantala, ‘wala pang opisyal na pahayag ang White House kaugnay sa isyu.

Nauna nang binigyan ni Trump ng deadline ang Iran upang muling buksan ang Strait of Hormuz, na mahalagang daanan ng langis sa mundo, at nagbabala ng posibleng pag-atake sa mga kritikal na imprastruktura nito kung hindi tatalima.

Bukod sa Santo Papa, kinondena rin ng U.S. Conference of Catholic Bishops ang naturang banta ng Amerika. Ayon kay Archbishop Paul S. Coakley, hindi maaaring bigyang-katwiran ang pag-target sa mga maaapektuhang sibilyan at may iba pa raw na paraan upang maresolba ang alitan nang hindi nauuwi sa digmaan.