
Ipinanawagan ngayon ng election watchdog na Legal Network for Truthful Elections o LENTE sa pamahalaan ng malawakang electoral reforms para sa mga susunod na halalan.
Ayon sa constitutionalist, dating Commission on Elections chairman at ngayo’y LENTE Chairperson na si Atty. Christian Monsod, masyado na raw kasing naaantala ang kinakailangang reporma sa sistema ng halalan sa Pilipinas.
Iginiit ni Monsod na dapat tiyakin ng komisyon at ng mga mambabatas, sa pamamagitan ng mga reporma sa umiiral na elections law, na mayroong maayos na proseso ng halalan na magreresulta sa dekalidad na boto.
Maaari rin umanong naipapakita sa mga resulta ng halalan na walang nangyayaring manipulasyon sa proseso ng halalan at resulta ng boto.
Pero hindi raw ibig sabihin nito ay dekalidad na ang resulta ng halalan.
Isa rin sa mga inihalimbawa ni Monsod ang isyu ng dynasty at ang problema sa umiiral na party-list system sa bansa.
Hanggang hindi aniya nagkakaroon ng dekalidad na proseso ng halalan ay hindi rin masasabi na 100 percent na parehas at credible ang halalan sa bansa.
Umaasa si Monsod na magkakaroon ng pagbabago sa sistema ng dynasty sa bansa kung palalakasin ang kapangyarihan ng mga mahihirap simula sa barangay level pataas.










