Pinaghahandaan na ng Police Regional Office-7 ang security coverage para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ngayong Oktubre at isinaalang-alang na ang posibleng mga tensyon na maaaring lumitaw sa pagitan ng mga political parties at candidates.
Nilinaw ni Police Regional Office-7 spokesperson PLt Col Gerard Ace Pelare na kasama na sa kanilang security preparations ang threat assessment ng mga kalahok na partido, mga kandidato, gayundin ang kanilang mga tagasuporta.
Ayon kay Pelare na bagama’t may mababang insidente ng karahasan na may kaugnayan sa halalan noong 2018 barangay elections, hindi pa rin umano sila magpakampante sa eleksyon ngayong taon.
Batay pa sa kanilang inisyal na assessment, mayroong 22 barangay sa Central Visayas ang kinokonsiderang kabilang sa areas of concern habang 8 naman ang areas of immediate concern.
Sinabi pa ni Pelare na wala naman umanong dapat ikabahala at ikatakot kaugnay nito dahil ang binabasehan lang nila ay ang nakaraang eleksyon na may election-related incidents at matinding tunggalian sa pulitika.
Asahan na rin umano ang ipapatupad na mga adjustments sa deployment ng pulisya habang papalapit ang halalan.









