Patay ang isang opisyal ng pulisya matapos pagbabarilin sa loob ng isang videoke bar sa Barangay Binuntucan, Pontevedra, Capiz.
Kinilala ang biktima na si Police Capt. Rian Ampoyos, 48-anyos, residente ng Barangay Swa, President Roxas, Capiz. Ang suspek ay si William Deocampo, 38-anyos, mula sa Barangay Jolongajog, Pontevedra.
Ayon kay Police Major Rachelle Garnica, Public Information Officer ng Capiz Police Provincial Office, nagtungo si Ampoyos kasama ang dalawang pulis sa naturang videoke bar upang makipag-usap sa may-ari tungkol sa pagpapanatili ng kaayusan.
Habang nakaupo ang mga pulis, nagkaroon ng komosyon sa likod ng kanilang mesa.
Humingi ng tulong ang may-ari kay Ampoyos upang pakalmahin ang sitwasyon, ngunit bigla umanong bumunot ng baril si Deocampo at binaril ang opisyal sa kaliwang bahagi ng dibdib.
Kaagad na naaresto ang suspek, ngunit dinala rin sa ospital matapos magtamo ng sugat dahil umano sa pananakit ng mga taong naroon. Narekober ng mga pulis ang isang .45 caliber pistol na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.
Patuloy ang imbestigasyon ng Capiz Police Provincial Office upang matukoy ang motibo sa pamamaril.









