Nagpapatuloy ngayon ang isinagawang hot pursuit operation ng pulisya laban sa bumaril patay sa isang police asset dakong alas 8 ng kagabi, December 6, sa Brgy Alangilan Sta. Catalina, Negros Oriental.
Kinilala ang biktima na si Tyronne Fabilla, 42 anyos at residente ng nasabing lugar.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, matutulog na sana si Fabilla nang may tumawag sa cellphone nito at ipinaalam na magsasagawa sila ng operasyon kaya nagpaalam na ito sa kanyang live-in partner na si Rose Marie.
Sinubukan pa umano itong pigilan dahil gabi na ngunit lumabas pa rin ito at pinuntahan ang tumawag na naghintay sa sasakyan.
Bigla nalang umanong sumulpot ang nakamotorsiklong mga suspek at pinagbabaril ng makailang beses ang biktima dahilan sa agarang pagkamatay nito.
Narekober naman sa crime scene ang apat na empty shell ng caliber .45 pistol.
Patuloy naman ang isinagawang imbestigasyon ng Sta. Catalina PNP upang matukoy kung ano ang motibo at kung sino ang nasa likod ng pamamaril.