Lubos ang pasasalamat ni Philippine Olympic Committee president Bambol Tolentino sa Pilipinong atleta na kumatawan para sa Pilipinas sa kakatapos lamang na Tokyo Olympics.
Binago kasi aniya ng mga ito ang larangan ng sports sa bansa sa tulong din ng May Kapal, ng gobyerno sa pamamagitan ng Philippine Sports Commission at sa suportang ipinakita rin ng samabayanang Pilipino.
Sa 2020 Summer Games sa Japan nakuha ng Pilipinas ang kauna-unahang gintong medalya nito sa Olympics makalipas ang halos 100 taon sa katauhan ni Hidilyn Diaz.
Nasungkit din ng bansa ang pinaka-unang Olympic medal mula sa babaeng boksingero sa katauhan naman ni Nesthy Petecio (silver medalist).
Dalawa pang Pilipinong boksingero ang nakakuha ng medalya sa Tokyo Olympics: sina Carlo Paalam (silver medalist) at Eumir Marcial (bronze medalist).
Dahil dito, makalipas ang 89 taon ay nagawa ring makasungkit ng Pilipinas ng maraming medalya mula sa Olympics.
Ayon kay Tolentino, patunay lamang ito ng galing ng Pilipinas sa larangan ng sports dahil nagawang mapanatili ng mga atleta ng bansa ang status nito bilang pinakamagaling sa Southeast Asia matapos na pumuwesto sa Top 50.
Umaasa naman ang opisyal na patuloy pa ring gagaling ang Team Philippines sa pamamagitan ng mga prorgrama ng national sports associations at national Olympic committee katuwang ang pamahalaan at private sector.