Nilinaw ng PNP na apat lamang ang nakatalagang police security detail na naka-assign kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo sa araw pamamaslang sa kaniya.
Ito ang binigyang-diin ng pambansang pulisya kasunod ng mga reports na mayroon umanong lima sa anim na mga security detail na nakatalaga kay Degamo ang umabsent sa trabaho sa araw mismo ng pagpatay sa kaniya.
Paliwanag ni PNP spokesperson PCOL Jean Fajardo, ang naturang apat na security detail ni Degamo ay magkakarelyebo o nasa shifting schedule.
Aniya noong araw na mangyare ang naturang insidente ay dalawa sa mga ito ay naka-off duty habang isa naman ang nagpaalam na malelate dahilan kung bakit nag iisa lang ang security detail na nasa lugar noong mangyari ang pamamaril.
Kung maaalala, kahapon ay dapat haharap ang PNP sa mababang kapulungan ng kongreso upang magpaliwanag hinggil sa umano’y sabay sabay na pagliban ng mga police security detail ni Degamo ngunit nakansela ang pagdinig nito.
Una nang binigyang diin ni PNP Chief PGEN Rodolfo Azurin Jr. na walang mangyayaring cover up sa kanilang isinasagawang imbestigasyon ukol dito kasabay ng pagtiyak na tutugisin nito hanggang dulo ang lahat ng sangkot sa karumaldumal na krimen na ito.