Nanindigan si PNP Officer-in-Charge PLt. Gen. Vicente Danao na kumilos lamang ng naayon sa batas ang mga pulis nang arestohin nila ang mahigit 90 indibidwal na nagsagawa ng panggugulo sa Hacienda Tinang sa Tarlac.
Paliwanag ni Lt. Gen. Danao, ang mga inaresto ay isinailalim sa kustodiya dahil sa alegasyon ng Malicious Mischief, Direct Assault, Disobedience and Resistance to Persons in Authority, Obstruction of Justice, at Illegal Assembly.
Ito ay base narin aniya sa reklamo ng mga magsasakang residente ng Barangay Tinang, Concepcion, Tarlac, na sinira ang kanilang mga pananim ng mga miyembro ng Kadamay, Anakpawis at iba pang mga nagtangkang pwersahang umokupa ng kanilang sakahan.
“Yung ginawa ng mga militanteng grupo na pagbungkal sa mga mais na nakatanim sa bukid ng may bukid na gusto nilang sakupin ay sadyang hindi makatarungan,” pahayag ni Lt.Gen. Danao.
Binigyang diin ng Heneral na walang pinapanigan ang PNP pagdating sa mga “land disputes” at tutulong lang sa pagpapatupad ng mga lehitimong kautusan ng korte.
Sa kabilang dako, nanawagan naman ang PNP sa mga militanteng grupo na huwag baligtarin ang katotohanan kaugnay sa pag-aresto sa 91 katao na nagpakilalang mga benepisyaryo ng agrarian reform sa Tarlac.
” No right man in his righ senses will ever do that. Pinaghirapan ito ng ating mga kababayan na itanim na sisirain ng mga luko-luko. Please do not use human rights in defending your rights there,” pahayag ni Danao.