-- Advertisements --

Tiniyak ni PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde na hindi nila mapapabayaan ang kampanya kontra iligal na droga kahit pa nakatutok sila ngayon sa panghuhuli ng mga tambay.

Ayon kay albayalde, ibang mga pulis naman ang nag-o-operate laban sa iligal na droga at ibang pulis din ang nagsasagawa ng patrolya at naninita sa mga tambay.

Aniya, ang mga tauhan ng drug enforcement units ang nakatutok sa anti-illegal drug campaign ng PNP.

Sinabi ni Albayalde, hindi maaaring pabayaan ang war on drugs lalot aminado siyang malaki pa rin ang problema sa droga ng bansa.

Sinabi ni PNP chief na posibleng may mga indibidwal na mananamantala sa ginagawa nilang anti-tambay operasyon, gaya ng nangyari sa Oplan Tokhang.

Pero pagtiyak nito nakahanda ang PNP dito at kanilang sisiguraduhin na hindi magtatagumpay ang mga nasa likod nito.

Sa kabilang dako iniimbestigahan na ngayon ng PNP kung may kinalaman ang vigilante sa kaso ng mga pagpatay lalo na sa mga narerekober na bangkay na may mga karatula.

Sa ngayon walang report ang PNP na bumabalik na naman ang vigilante killings.

Ipauubaya na rin ng PNP sa mga brgy. tanod ang panghuhuli sa mga tambay sa kalsada.

Ayon kay Albayalde may ginagawa nang direktiba ang DILG para atasan ang mga opisyal ng barangay na siyang manguna sa pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa.

Pero makakatuwang pa rin ng mga barangay tanod ang mga pulis.

Naniniwala si Albayalde na mas magiging maayos ang pagpapatupad ng kampanya kontra tambay kung tutulong na ang mga opisyal ng barangay.