Tiniyak ni PNP chief Gen. Dionardo Carlos na handa ang Philippine National Police (PNP) sa anumang planong paghahasik ng karahasan ng New People’s Army (NPA) sa kanilang anibersaryo sa March 29, 2022.
Tradisyunal na kasi na nagsasagawa ng pag-atake ang NPA sa mga pulis at sundalo sa araw na ito bilang pagpapakita ng pwersa.
Ayon kay Carlos, mahigpit na mino-monitor ng PNP ang kilos ng NPA at nagsasagawa na ng kaukulang mga hakbang para kontrahin ang anumang terrorist plot ng mga komunista.
Mahigpit din aniya ang kanilang koordinasyon sa AFP na katulong nila sa pagpapatupad ng seguridad.
Binalaan naman si Carlos ang NPA na wag mandamay ng mga inosenteng sibilyan sa anumang masamang binabalak nila dahil mga kapwa Pilipino ang kanilang pineperwisyo.