-- Advertisements --
image 56

Nilibot ng Philippine National Police ang ilang mga pangunahing transportation hub sa Metro Manila.

Ito ay sa gitna ng nagpapatuloy na paggunita ngayon sa Semana Santa kung kailan inaasahan din ang pagbugso ng maraming mga pasaherong babiyahe patungo sa kanilang mga probinsya.

Sa pangunguna ni PNP-OIC at Deputy Chief for Administration PLTGEN Rhodel Sermonia, ay ininspeksyon nito ang ilang malalaking bus terminals, sea port at airport sa rehiyon bilang paghahanda ng buong hanay ng kapulisan ngayong panahon ng Mahal na Araw.

Layon nito na tiyaking na naipapatupad sa naturang mga transport hub ang mahigpit na seguridad na inilatag ng mga otoridad upang siguraduhin ang kaligtasan ng taumbayan ngayong panahon ng Semana Santa.

Samantala, kaugnay nito ay sinabi rin ni sermonia na batay sa kanilang inisyal na assessment ay naging kuntento naman sila sa kanilang mga nasaksihan sa naturang pag i-inspeksyon.

Ngunit kasabay nito ay iniulat niya na mayroong ilang adjustments ang kinakailangang ipatupad sa mga ito na may kaugnayan sa public safety concerns.

Aniya karamihan sa mga kinakailangang magkaroon ng adjustments sa lugar ay partikular na sa usaping medical nang dahil sa nararanasang matinding init ng panahon ngayon sa bansa.

Kabilang sa mga ito ay ang pagkakaroon ng dagdag na ambulansya sa mga terminal, at medical personnel para sa pagsasagawa ng first aid kung kinakailangan.