PNP, pinalalakas ang community intelligence para mabuwag ang mga operasyon ng ilegal na sugal
Pinalalakas ng Philippine National Police (PNP), sa ilalim ng pamumuno ni Police General Jose Melencio C. Nartatez, Jr., ang mga hakbang sa community intelligence para mabuwag ang mga operasyon at pugad ng ilegal na sugal sa buong bansa.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., sa paggabay ni DILG Secretary Jonvic Remulla, na paigtingin ang kampanya laban sa ilegal na sugal at tuluyang buwagin ang mga network nito sa buong bansa.
Ayon kay PGEN Nartatez, nananatiling isa sa pinakamabisang paraan ang impormasyong nagmumula sa mga residente upang matukoy ang mga operasyon ng ilegal na sugal na patuloy na umiiral sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Patuloy na isinasagawa ng pulisya ang pinaigting na kampanya laban sa ilegal na sugal sa pamamagitan ng mas maigting na operasyon sa buong bansa. Noong Hulyo ngayong taon, umabot sa 9,401 katao ang naaresto, habang mahigit ₱3.2 milyon na halaga ng perang pantaya at mga kagamitang ginagamit sa ilegal na pagsusugal ang nakumpiska.
Sinabi ni PGEN Nartatez na hindi lamang sa Metro Manila nakatuon ang kampanya, dahil patuloy ding pinakikilos ang pwersa ng pulisya sa mga munisipalidad, lalawigan, at maging sa mga liblib na komunidad kung saan nananatiling laganap ang ilegal na sugal.
Binigyang-diin ng PNP Chief na ang ilegal na sugal ay hindi lamang usapin ng pagpapatupad ng batas sapagkat nakapag-aambag din ito sa pagdami ng iba pang krimen, batay sa datos ng PNP.
Aniya, ang pagbuwag sa mga operasyon ng ilegal na sugal ay makatutulong din sa higit na pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa mga komunidad.










