Kinondena ng Philippine National Police (PNP) ang tinawag nitong ”senseless and cowardly ambush” sa kanilang mga tropa sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur noong gabi ng Marso 28, 2026, na ikinamatay ng limang (5) pulis at ikinasugat ng tatlong iba pa.
Ayon sa pahayag, inatake ng mga hindi pa nakikilalang armadong suspek ang mga miyembro ng 2nd Provincial Mobile Force Company habang pauwi na sa kanilang detachment matapos magsagawa ng patrol at police visibility operations.
“This heinous act is a direct assult on law enforcement and threat to peace and order,” saad ng PNP sa pahayag.
Agad na dinala sa mga kalapit na ospital ang mga sugatang personnel na kasalukuyan namang ginagamot.
Ani PNP chief Jose Melencio Nartatez Jr., inilunsad na ng ahensya ang pinatinding hot pursuit operations kasama ang Armed Forces of the Philippines upang matukoy at mahuli ang mga responsableng indibidwal.
Pagtitiyak ng PNP na ginagawa nila ang lahat ng kinakailangang hakbang upang makamit ang hustisya para sa pamilya ng mga biktima.
Ipinahayag rin ng pulisya ang pakikiramay sa pamilya ng mga nasawi, na inilarawan bilang mga indibidwal na nagpakita ng tapang at dedikasyon sa kanilang tungkulin.
“We will not waver. This attack will not go unanswered. Justice will be swift, certain, and uncompromising” sabi ni Nartatez sa isang pahayag.
Patuloy pa rin ang operasyon sa lugar habang pinapalakas ang seguridad sa Shariff Aguak at mga kalapit na komunidad.
















