-- Advertisements --

Pormal ng humingi na ng paumanhin ang Philippine National Police (PNP) kay Senator Robin Padilla at sa buong Muslim community dahil sa paggamit ng salitang “Muslim” para tukuyin ang isang suspek sa krimen.

Sa isang kalatas na inilabas ni PNP Public Information Office Chief Police Brig. General Roderick Augustus Alba, nilinaw nito na walang malisya o intensyon ang PNP na sirain ang reputasyon ng mga kapatid na Muslim.

Naung ng inireklamo ni Sen. Padilla ang paggamit ng mga pulis ng salitang “muslim” sa pagtukoy sa miyembro ng Abu Sayyaf na nang-hostage kay dating Senador Leila de Lima sa PNP Custodial Center noong Linggo.

Daing ng Senador, hindi naman tinutukoy bilang “kristyano” ang suspek kung ito ang relihiyon ng isang nasangkot sa krimen.

Sinabi ni Alba na ito ay nagsisilbing leksyon sa PNP na maging mas maingat sa pag “address” sa lahat ng miyembro ng lipunan.

Tiniyak pa ni Alba na ginagalang ng mga pulis ang mga karapatan ng bawat indibidual, anuman ang kanilang relihiyon, kultura, o lupang tinubuan.