-- Advertisements --

Tutol ang Philippine National Police sa mga rekomendasyong buwagin ang National Task Force to End Local Communists and Armed Conflict.

Ito ang ipinahayag ni PNP Chief PGen Benjamin Acorda Jr. kasunod ng naging rekomendasyon ni United Nations Special Rapporteur Irene Khan sa kaniyang naging pagbisita at imbestigasyon nito sa ating bansa.

Sabi ni PNP Chief Acorda, marami nang naitulong at nagawa ang NTF-ELCAC para sa pagkamit sa kapayapaan at pag-unlad ng mga komunidad na dating sentro at pangunahing apektado ng insurhensya.

Aniya, mahalagang maipagpatuloy ang mga community development program ng NTF-ELCAC lalo na ngayong mas pinaigting pa ng pamahalaan ang mga hakbang nito para sa unity and development ng bansa.

Bukod dito ay ipinunto rin ni Acorda na naging bahagi rin ang NTF-ELCAC sa tagumpay ngayon ng gobyerno kaugnay sa unti-unting paghina ng puwersa ng mga komunistang teroristang grupo, dahilan ng patuloy na pagsusumikap ng pamahalaan na mapanatili ang tinatamasang kapayapaan at kaunlaran sa mga lugar na apektado noon ng armado at teroristang grupo.