Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
Ito ay batay sa datos na inilabas ng Administrative Support to COVID 19 Operations Task Force (ASCOTF) mula sa PNP Health Service.
Sa ngayon, nasa 201 ang mga nadagdag sa bago nilang kaso dahilan para umabot sa 19, 298 ang kabuuang bilang nito.
Sa nasabing bilang 2,133 ang mga aktibong kaso matapos naman madagdagan ng 190 ang bilang ng mga bagong gumaling kaya’t umakyat na sa 17,113 ang total recoveries.
Kinumpirma naman ni ASCOTF commander at Deputy Chief PNP for Administration P/LtG. Guillermo Eleazar na nadagdagan pa ng isa ang nasawi dahil sa COVID 19 sa hanay ng PNP kaya’t umakyat na ang death toll nila sa 52.
Ang nasawi aniya ay isang 50-anyos na Police Commissioned Officer na naka-assign sa Police Regional Office-3 o Central Luzon at nasawi noong Miyerkules, April 21, 2021.