-- Advertisements --

Gamboa PNP chief

Pinatitiyak ni PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa na masisibak sa serbisyo ang dalawang pulis na sangkot sa pagpatay sa 15-anyos na babae sa Ilocos Sur.


Direktiba ni Gamboa kay PNP-Internal Affairs Service Inspector General Alfegar Triambulo na tapusin sa loob ng 15 araw ang kaso at maglabas ng resolusyon.

May limang araw naman ang dalawang pulis para tumugon sa kanilang kaso.

Nakilala ang dalawang akusadong police na sina PSSg Randy Ramos na nahaharap sa kasong panggagahasa at pagpatay at PSSg Marawi Torda na kinasuhan rin ng pagpatay at tangkang panghahalay.

Dismayado si Gamboa sa ginawa ng dalawang pulis, tinawag ng heneral na mga animal at walang kwentang mga pulis.

Kasalukuyang nasa restrictive custody na ng Police Regional Office (PRO)-1 ang dalawa.

Batay sa imbestigasyon, kasama sa grupo ng mga kabataan sa isang party ang 15 taong gulang na biktimang at pinsan nitong 18-anyos na dalaga nang sitahin ng mga pulis dahil sa paglabag sa curfew at social distancing.

Ginahasa umano ang dalawa matapos hulihin pagdating sa Cabugao noong July 1.

Nagawa pang magreklamo ng mga biktima pero pagkatapos nito ay agad silang tinambangan.

Ini-utos na rin ni Gamboa sa Police Regional Office 1 na magbigay ng security sa pamilya ng 18-anyos na dalaga na nakaligtas matapos umanong gahasain ng pulis.