Nakikiisa ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa pahayag ng Commission on Human Rights (CHR) laban sa malawakang paglabag ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa karapatang pantao.
Ayon kay PNP chief Gen. Guillermo Eleazar, sana matagal na nilang sinabi na hindi na idolohiya ang ipinaglalaban ng mga ito dahil sa paulit-ulit na pag-target sa sibilyan at malawakang extortion sa mga negosyante pati sa mga ordinaryong tao.
“Mga kriminal at teroristang grupo lang ang hindi nagpaparusa sa kanilang mga nagkamali at at abusadong miyembro,” ani Eleazar.
Una nang inihayag ng CHR na hindi na maipapaliwanag ng ideology ang ginawang pag-atake ng ilang suspected NPA members sa Eastern Samar.
Ayon kay CHR deputy spokesperson Marc Louis Siapno, tinambangan ng mga hinihinalaang miyembro ng NPA ang ilang state forces na nakabase sa bayan ng Jipapad kung saan tatlo ang nasawi habang apat ang sugatan sa panig ng gobyerno.
Batay sa report, gumamit improvised explosive device ang NPA.
Giit ng CHR, kanilang ipupursige ang gagawing independent investigation kaugnay sa insidente.