Bukas at taos pusong tatanggapin ng pamuan ng Philippine National Police (PNP) ang mga NPA rebels na nais magbalik loob sa gobyerno ngayong pasko sa kabila ng hindi pagpapatupad ng ceasefire ng magkabilang panig.
Ito ang inihayag ni PNP Chief PGen. Debold Sinas matapos na i-ulat ni Police Regional Office (PRO) 8 Regional Director PBGgen. Ronaldo De Jesus ang pagsuko ng isang NPA sa Leyte, na kinilala Lang sa alyas na “Arman”.
Ayon kay De Jesus, kasamang isinuko ni Arman ang isang German-made sniper rifle sa 2nd Provincial Mobile Force Company at Intelligence Unit ng Leyte Police Provincial Office.
Batay sa records ng PNP si Arman ay kasama sa mga NPA na umatake sa PNOC Power Plant sa Brgy Milagro, Ormoc City kung saan napatay ang dalawang pulis at tatlong sibilyan noong 2004.
Sangkot din umano ito Sa pagpatay ng 3 pulis ng Villaba Municipal Police Station sa magkakahiwalay na okasyon, at raid sa Aznar Ranch sa Tabango, Leyte noon ding taong iyon.
Ayon kay Arman, na-enganyo siyang sumuko nang malaman niya na namumuhay na ng tahimik sa oiling ng kanilang mga pamilya ang kanyang mga dating kasamahan na una nang sumuko.
Tiniyak naman ni De Jesus na pinoproseso na ng PRO-8 ang pagkakaloob ng mga benepisyo kay Arman sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan.










