LEGAZPI CITY – Inatasan na ni Police Regional Office 5 Regional Director PBGen Bartolome Bustamante ang provincial director ng Catanduanes PNP na magbaba ng show cause order sa hepe ng Bato Municipal Police Station na si PCapt. Ariel Buraga.
Ito’y matapos na mag-viral sa social media ang komento ni Buraga na mistulang nakikisimpatiya sa naging aksyon ni PSMS Jonel Nuezca sa pamamaril sa mga biktimang sina Sonia at Anthony Gregorio sa Tarlac.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PMaj. Malu Calubaquib, tagapagsalita ng PRO5, pinagpapaliwanag ni Bustamante ang hepe sa naging aksyon nito sa social media.
Maging sa social media, may sinusunod umano kasing ethical standards ang organisasyon.
Aminado si Calubaquib na malakas na grounds ang unethical actuations sa social media ng isang police official upang matanggal ito sa pwesto, sabayan pa ng request mula mismo sa nakakasakop na alkalde.
Una na ring hiniling ni Bato Mayor Juan Rodulfo na mailipat ng destino si Buraga dahil sa pangamba sa personal bias at loyalty nito para sa kapulisan kesa sa responsibilidad sa pinaglilingkurang lugar.
Sa muli, ipinaalala ni Calubaquib sa mga kapwa pulis na pairalin ang maximum tolerance sa anumang sitwasyon at sumunod sa protocols sa pagpost sa social media.