Pinag-aaralan ngayon ng mga komite na nagiimbestiga sa mga iregularidad sa PhilHealth na mabigyan ng emergency powers si Pangulong Rodrigo Duterte para ayusin ang state health insurer.
Sinabi ito ni House Committee on Public Accounts chairman Mike Defensor sa pagpapatuloy ng kanilang joint hearing ng committee on good government and public accountability sa issue ng korapsyon sa PhilHealth.
Nagpahayag ng kanyang suporta si Health Sec. Francisco Duque III sa balak na ito ng komite.
Ayon kay Duque, maganda ang pinaplano na ito nina Defensor upang sa gayon ay mapabilis ang pagpapatupad ng mga reporma sa loob ng PhilHealth.
Mababatid na sa mga nakalipas na pagdinig ng komite, naungkat ang iregularidad sa interim reimbursement mechanism (IRM) ng PhilHealth, na sinasabing ugat ng korapsyon sa loob ng state health insurer.
Sinabi ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga na kanilang nakita sa mga isinagawang imbestigasyon ang samu’t saring paglabag sa implementasyon ng IRM.
Isa na aniya rito ang pagkakasama ng mga dialysis centers at birthing centers sa IRM na para lamang sa COVID-19 patients.