-- Advertisements --

Pinahanga ng Filipino singer na si Matty Juniosa ang mga hurado at manonood sa sikat na British talent show matapos ang kanyang standing ovation audition.

Inawit ng 27-anyos na mang-aawit ang kantang “Purple Rain” ni Prince, na nagresulta ng masigabong palakpak mula sa audience at isang Golden Buzzer mula sa kilalang huradong si Simon Cowell. Dahil dito, direkta siyang makakapasok sa live shows ng kompetisyon.

Bago ang kanyang audition natanong si Matty ng judge na si Alesha Dixon, kung ano ba ang pangarap nito na sinagot naman ni Matty, na maging isang sikat na world performer gayundin ang mga alalahanin ng kabiguan sa mga nakaraang pagsali sa mga singing competition.

Maalalang noong 2019 sumali siya sa Idol Philippines kung saan nagtapos siya sa Top 12.

Nagulat din si Simon Cowell sa naging reaksyon ng audience, at sinabing ito ang isa sa pinakamalaking natanggap nilang reaksiyon sa palabas.

Samantala, pinuri rin siya ng mga kapwa hurado na sina Amanda Holden, at KSI, na humanga sa kanyang boses, presensya sa entablado, at pati narin ang kanyang masiyahing personalidad.

Sa kasalukuyan, naninirahan si Matty sa Glasgow, United Kingdom, kung saan siya nagtatrabaho bilang part-time waiter habang hinahabol ang kanyang pangarap sa musika.

Ipinanganak siya sa Pilipinas at lumaki sa iba’t ibang lugar tulad ng Quezon, Mandaluyong, at iba pang bahagi ng bansa.

Naging bahagi rin siya ng singing group na iDolls matapos ang Idol Philippines, ngunit ito ay pansamantalang nabuwag noong 2022 nang magdesisyon siyang lumipat sa United Kingdom upang mag-aral ng Musical Theater sa Royal Conservatoire of Scotland.

Sa kabila ng mga hamon sa kanyang buhaykabilang ang kabiguan sa mga kompetisyon, at paglipat sa ibang bansa patuloy na ipinapakita ni Matty Juniosa ang kanyang dedikasyon at determinasyon upang maabot ang kanyang pangarap na maging isang world performer.