Pasok na sa finals ng Britain’s Got Talent Season 19 ang Filipino singer na si Matty Juniosa matapos makakuha ng ikalawang Golden Buzzer mula sa hurado ng kompetisyon.
Sa semi-finals round, pinahanga ni Matty ang mga manonood at hurado sa kanyang makapangyarihang rendition ng kantang ”Dream On” ng Aerosmith.
Dahil sa kanyang performance, tumayo at nagbigay ng standing ovation ang apat na hurado na sina Simon Cowell, Amanda Holden, Alesha Dixon, at KSI, pati na rin ang live audience.
Pinuri ni Alesha ang Pinoy singer, na tinawag ang kanyang performance na “effortlessly sensational” at isang “masterclass” sa pag-awit.
Sa huli, si Amanda ang pumindot ng Golden Buzzer, na nagbigay kay Matty ng direktang tiket papunta sa finals.
Matatandaang una nang nakatanggap ng Golden Buzzer si Matty mula kay Simon sa kanyang audition, na nagdala sa kanya sa semifinals.
Kasalukuyang naninirahan si Matty sa Glasgow, Scotland, kung saan siya nagtatrabaho bilang part-time waiter habang aktibo ring nagpe-perform sa teatro doon.











