Nabigo ang Filipino singer Matty Juniosa na makuha ang titulo ng Britain’s Got Talent season 19 kung saan nakuha ang ikaapat na puwesto.
Sa live finale na ginanap noong Mayo 30 (araw sa UK), inawit ni Matty ang awiting “Nothing Compares 2 U” ni Sinéad O’Connor.
Samantala, nasungkit naman ng Hawkstone Farmers Choir ang kampeonato, habang pumangalawa ang drone art collective Celestial at pumangatlo ang dance duo na Anastasiia and Salsa.
Isa si Matty sa mga standout contestant ng season matapos makakuha ng dalawang Golden Buzzers sa kompetisyon ngunit bigong humakot ng boto kung saan pinagbabasehan ang mananalo sa kompetisyon.
Sa kanyang audition, kinanta niya ang “Purple Rain” ni Prince na nagbigay sa kanya ng Golden Buzzer mula kay judge Simon Cowell, dahilan upang direktang makapasok sa semifinals ang mang-aawit.
Sa semifinals naman, muli siyang binigyan ng Golden Buzzer ni judge Amanda Holden matapos ang kanyang pag-awit ng “Dream On” ng Aerosmith, na nagdala sa kanya sa final round.
Tubong Mandaluyong City, unang nakilala si Juniosa bilang contestant sa Idol Philippines noong 2019 bago sumali sa vocal trio na iDolls.
Lumipat siya sa Scotland noong 2022 upang mag-aral ng musical theater sa Royal Conservatoire of Scotland at mula noon ay nakapagganap na sa ilang stage productions, kabilang ang Kinky Boots at iba pa.
Kamakailan ay naiulat din na gaganap siya bilang Annas sa West End production ng Jesus Christ Superstar.












