
Binigyang diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pangangailangan na mabigyan ng dagdag na pagsasanay ang mga Pilipinong seafarer o mandaragat para matugunan ang paglilipat na sa green hydrogen bilang fuel source para sa mga barko mula 2030 hanggang 2040.
Ginawa ng pangulo ang pahayag sa pakikipagpulong nito kamakailan sa mga ospisyal ng DENR sa Malakanyang.
Sinabi ni Pangulong Marcos na kailangang makasanayan na ng mga seafarer ang paghawak o pangangasiwa sa alternative fuels sa layuning makamit ang global decarbonization objectives.
Kamakailan ay lumagda sa isang joint statement ang mga nangungunang organisasyon sa buong shipping value chain kasama ang pinakamalalaking producer ng green hydrogen, na nangangako para sa mabilis na produksyon at paggamit ng low-carbon fuels para mapabilis ang decarbonization ng global shipping.
Ang shipping sector ay kumakatawan sa 3 percent ng global greenhouse gas emissions pero inaasahan itong lalaki pa hanggang 50% pagsapit ng 2050 kung hindi mapipigilan.
Iginiit ng pangulo na kailangang gumawa na ng hakbang ang seafaring industry para makatulong na mabawasan ang carbon emission.










