Nanawagan ng tulong pinansyal ang pamilya at kaibigan ng 22-anyos na Pinay law student na si Yvette Digan, matapos siyang magtamo ng malalalang paso sa isang pagsabog sa fraternity house party sa Worcester, Massachusetts noong Mayo 21.
Nabatid na si Digan ay isang exchange student mula Boston University at nakabase sa Hong Kong na siyang nagpapagaling sa Massachusetts General Hospital matapos masunog ang bahagi ng kanyang mukha at katawan sa nasabing insidente.
Ayon sa mga ulat, isang miyembro ng Zeta Psi fraternity ang walang-ingat na nagbuhos ng 190-proof Everclear grain vodka, isang flammable na inumin, na pinaniniwalaang naging sanhi ng pagsabog at pagkalat ng apoy.
Batay sa pamilya ng dalaga, si Yvette ay haharap sa maraming operasyon tulad ng skin grafts, physical therapy at counseling. Kasalukuyang naka-pause ang kanyang pag-aaral dahil sa insidente.