-- Advertisements --

Makakatanggap ng full lifetime benefits ang pinalayang Pinoy caregiver na si Jimmy Pacheco mula sa gobyerno ng Israel.

Kabilang sa matatanggap nito ay ang family lifetime social security benefits at regular stipends.

Ito ang tiniyak ni Israel Foreign Minister Eli Cohen sa pagkikita nila ni Pacheco sa Tel Aviv kung saan kasama nito si Philippine Ambassador to Israel Pedro “Junie” Laylo sa ospital kung saan ito nagrerekober matapos ang mahigit isang buwan na pagkakabihag.

Ayon naman kay OWWA administrator Arnel Ignacio, inaasikaso na nila ang repatriation ni Pacheco at umaasang makauwi na ito sa bansa sa susunod na linggo para makasama na niya ang kaniyang pamilya sa Pasko.

Matatandaan na kabilang si Pacheco sa 24 na bihag ng Hamas na pinalaya noong Nobiyembre 24.

Nang mangyari ang pag-atake noong Oktubre 7 inaalagaan nito ang kaniyang 80 anyos na Israeli na nasawi sa kamay ng Hamas.

Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang Department of Foreign Affairs sa Israel at iba pang bansa para mahanap ang nawawalang OFW na si Noralyn Babadilla na pinaniniwalaang bihag ng Hamas sa Gaza.