Iniulat ng Armed Forces of the Philippines na naging matagumpay ang Pinakahuling rotation and resupply mission na ikinasa para sa mga tropa na Naka base sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.
Ayon kay AFP Public Affairs Office chief, Col. Xerxes Trinidad, isinagawa ang naturang misyon kahapon, Marso 22, 2024 na matagumpay na nakumpleto gamit ang civilian vessel na Unaizah May 4 na in-escort-an naman ng dalawang barko ng Philippine Navy at dalawang barko rin ng Philippine Coast Guard.
Kaugnay nito ay binigyang-diin ng AFP na ang naturang misyon ay isang routine operation na naglalayong hatiran ng supply at karelyebo ang mga sundalong Naka-base sa Ayungin Shoal.
Anila, ang misyon ito ay particular na ikinasa upang tiyakin ang full troop complement sa BRP Sierra Madre matapos na kailanganing I-evacuate ang Isa sa mga sundalong na kinakailangan namang mabigyan ng isang seryosong atensyong medikal.
Samantala, kaugnay nito ay muling ipinunto ng AFP na ang naging matagumpay na RoRe operation na ito ay bahagi ng manifestation ng Hukbong Sandatahan na pagpapanatili ng presensya ng Pilipinas sa naturang lugar bilang pagprotekta na rin sa sovereign rights ng Pilipinas sa exclusive economic zone ng ating bansa.
Magugunita na ang Unaizah May 4 ay Isa sa dalawang civilian vessels na nagtamo ng malaking pinsala nang dahil sa pambobomba ng water cannon ng China Coast Guard sa kasagsagan ng kaparehong misyon ng Pilipinas sa Ayungin Shoal noong Marso 5, 2024.