Hinimok ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion ang mga local government units na sikaping mabakunahan ang nasa 70 percent ng kanilang populasyon para maiwasan na magkaroon pa ulit ng mga lockdowns sa hinaharap.
Ayon kay Concepcion, makakatulong para mas marami pang mga lugar ang mabubuksan kung mas marami pang mga tao ang mabakunahan at limitahan ang galaw ng mga hindi pa nababakunahan.
Dapat ay magkaroon din aniya ng mga “bubbles” para sa mga fully vaccinated na upang sa gayon ay mabigyan din ng pagkakataon ang mga negosyo na makabangon.
Maaring gayahin aniya ng Pilipinas ang ginawa ng New York City kung saan mandated ang pagpapabakuna sa ilang indoor gatherings upang sa gayon ay mahikayat ang maraming mga tao na magpabakuna na.
Sa ngayon, bagama’t tuloy-tuloy naman ang pagdating ng mga COVID-19 vaccines sa Pilipinas, kulang pa rin ang supply sa iba’t ibang LGUs sa bansa.
May ilan nga na sinsupinde pansamantala ang rollout ng kanilang COVID-19 vaccinations habang hinihintay ang pagdating ng karagdagang doses sa kanilang mga lugar.
Iginiit ni Concepcion na tatlong beses nang nagpatupad ng enhanced community quarantine ang Pilipinas, at sana raw ay hindi na ito masundan pa sa pamamagitan nang pagsusumikap ng private sector, LGUs at IATF sa malawakang vaccination drive.