Nakatakdang sisimulan na bukas ang pilot pooled testing sa bansa, kung walang pagbabago sa plano ng pamahalaan.
Ito ay matapos dumaan sa mga kailangang requirements at pag-apruba ng Philippine Society of Pathologist.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, gagawin ito sa lima hanggang 10 tao sa kada isang testing kit.
Ayon kay Sec. Roque, ang pilot pooled testing ay isasagawa sa Makati City.
Sa ilalim ng pooled testing, gagamit lamang ng isang test kit sa kada lima hanggang 10 taong kukuhanan ng specimen o samples.
Kapag lumabas na negatibo ang resulta nito, ibig sabihin, negatibo sa infection ang lahat ng lima o 10 tao na kinuhanan ng specimen.
Pero kapag nagpositibo ang resulta, hahatiin ang bilang ng mga indibidwal na kinuhanan ng samples para muli itong isalang sa test hanggang matukoy kung sino sa kanila ang talagang positive.
Ang paggamit ng pooled testing ay naglalayong mapataas pa ang testing capacity ng bansa o mas maraming mai-test sa kokonting test kit lang na magagamit.