Naniniwala si House Speaker Lord Allan Velasco na sa pag-papatibay ng Kamara sa bicameral version ng panukalang naglalayong palakasin pa lalo ang anti-money laundering law ng bansa ay maiiwasang mapasama ang Pilipinas sa gray list ng Financial Action Task Force (FATF) – International Cooperation Review Group.
Iginiit ni Velasco na hindi kakayanin ng Pilipinas na mapasama sa naturang listahan sapagkat makakaapekto ito sa ekonomiya ng bansa, na nagdurusa na dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Sa oras na mapasama ang Pilipinas sa gray list ng FATF, madagdagan din ang layer nang pagsisiyasat ng mga regulators at financial institutions, kaya magkakaroon ang delay sa pagproseso sa mga transaksyon.
Balakid din aniya ito upang makamit ng Pilipinas ang inaasam na “A” credit rating.
“We need to avoid adverse finding against the Philippines which could lead, among others, to increased cost of financial transactions, including OFW remittances,” ani Velasco.
Nabatid na binigyan lamang ng Paris-based dirty money watchdog FATF ang Pilipinas ng hanggang Pebrero 2021 para magpatupad ng pagbabago sa anti-money laundering law.
Nakasaad sa ilalim ng pinagtibay na bersyon ng panukala ang pagbibigay nang kapangyarihan sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) para maglabas ng subpoenas at makapagsagawa ng search at seizure sa mga kahinahinalang accounts.
Binibigyan din nito ng karagdagang kapangyarihan ang AMLC na makapag-preserve, manage, o dispose ng mga assets salig sa freeze order, preservation order, o judgment of forfeiture.
Isinasama rin ng panukalang ito ang tax crimes bilang predicate offense sa money laundering at itinatakda ang threshold sa higit P25 million.
Kasama na rin sa review ang mga transaksyon na lagpas sa P500,000 ng lahat ng mga Philippine offshore gaming operators (POGOs).
Isinama rin sa mga itinuturing bilang “covered persons” ang mga real estate brokers at developers pero para lamang sa single cash transactions na lagpas sa P7.5 million.










