LEGAZPI CITY – Tumulak na patungong Batangas ang monitoring team ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) mula sa Albay.
Ito ay upang tumulong sa pagtutok sa mga aktibidad ng ikalawa sa pinakaaktibong bulkan sa bansa.
Pangungunahan ito ni Dr. Paul Alanis, Science research specialist ng Mayon volcano monitoring team.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PHIVOLCS Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division Chief Maria Antonia Bornas, kagabi nang ibaba ang direktiba sa pagbuo ng quick response team matapos ang naranasang “wet eruption” sa Taal volcano.
Samantala, dahil sa patuloy na pag-aalburoto ng bulkan, pinag-iingat ang mga pamayanan na malapit sa banta ng volcanic tsunami na posible aniyang mangyari kung lubhang “explosive” ang pagputok.
Subalit sa ngayon, hindi pa naman daw gaanong malalakas ang naitatalang aktibidad sa Taal Volcano maliban sa ilang naobserbahang lindol, lava fountaining, ash fall, pyroclastic density currents at matataas na eruption column ng usok na pinagsamang steam at magma.










