Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na posibleng umabot sa magnitude 8.2 ang mga lindol sa anim na aktibong trenches sa bansa, matapos ang malakas na magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa Sarangani noong Hunyo 8, 2026.
Ayon kay PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol, kabilang sa mga bantay-saradong lugar ang Philippine Trench, East Luzon Trough, Manila Trench, Negros Trench, Sulu Trench, at Cotabato Trench.
Ipinaliwanag ni Bacolcol na ang mga trenches na ito ay may kakayahang maglabas ng napakalakas na lindol, gaya ng nangyari noong Agosto 17, 1976 nang tumama ang magnitude 8.1 sa Mindanao na nagdulot ng malawakang pinsala at tsunami.
Binanggit din niya na ang mga lindol sa ilalim ng dagat ay maaaring magbunsod ng lokal na tsunami, kaya’t mahalagang kilalanin ang mga natural na palatandaan tulad ng malakas na pagyanig, biglang pagbabago ng antas ng dagat, at malakas na ugong mula sa dagat.
Dagdag pa ng PHIVOLCS, ang Cotabato Trench na may habang higit sa 300 kilometro ang pinagmulan ng kamakailang magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani, na itinuturing na pinakamalakas ngayong taon.
Dahil dito, pinaalalahanan ang publiko na maghanda ng go-bag, alamin ang evacuation routes, at makinig sa opisyal na abiso ng PHIVOLCS upang maging handa sa anumang sakuna.













