Isinusulong ni House Ways and Means Chairman at Albay Representative Joey Salceda sa Kamara ang isang panukala para sa modernisasyon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs). Ito ang House Bill No. 6921.
Batay sa explanatory note ng panukala, nabanggit na ang Pilipinas ay nasa “Pacific Ring of Fire” at mayroong 24 na aktibong bulkan, 27 “potentially active” na bulkan, at maraming “active faults at trenches” na maaaring magdala ng malalakas na magnitude earthquakes, na posibleng maging sanhi ng kalamidad at maapektuhan ang mga komunidad.
Lubos namang nagpapasalamat ang Department of Science and Technology o DOST sa Phivolcs Modernization Bill, at umapela sa ibang mga mambabatas at sa publiko na suportahan ito.
Ayon sa liderato ng DOST, napapanahon na upang maisabatas ang nasabing panukala.
Layon ng Phivolcs Modernization Bill ay gawing makabago ang mga gamit at teknolohiya para mas mapalakas ang kasalukuyang kakayanan ng Phivolcs sa pagkalap ng mga impormasyon at datos na makakatulong sa paghahanda sa kalamidad, “climate change” at iba pang mga disasters.
Target din na makapagtayo ng dagdag na “service centers” sa mahahalagang lokasyon sa ating bansa, upang mapalawak ang serbisyo ng Phivolcs.
Palalakasin din ang “technology-based data centers” para mas madaling makakuha ang anumang balita na kailangan ng gobyerno, maging ng pribadong sektor na namamahala sa Disaster Risk Reduction and Management Plans.
Naniniwala kasi si Salceda na sa pamamagitan ng modernisasyon ng Phivolcs, inaasahang mas mabilis na maipapakalat ang mga pabatid, adbokasiya, at produkto sa “decision makers,” media at publiko.










