
Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na magsasagawa ang mga ito nang mas malalimang imbestigasyon sa posibilidad na mayroong sindikato na nasa loob mismo ng pambansang pulisya maging sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na sangkot sa sinasabing recycling ng illegal drugs.
Kasunod na rin ito ng pagkakaaresto ni PDEA Southern District Office (SDO) chief Enrique Lucero at ang dalawa pang agents sa isinagawang raid sa Taguig City.
Sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na magsasagawa ang PNP nang mas malalim na imbestigasyon at makikipag-ugnayan ang mga ito kay PDEA Director General Moro Virgilio Lazo.
Layon ng kanilang pakikipag-ugnayan sa PDEA na mapalawak pa ang imbestigasyon at sa posibleng pagkakasangkot pa ng ibang tao.
Sinabi ng opisyal na tinitingnan din nila ang posibilidad na hindi lamang kay Enrique Lucero ang connection ng mga nagre-recycle ng droga kundi ang mga nasa likod ng naturang gawain.
Maging ang mga narekober daw na mga gadgets ay subject din sa forensic examination para makita kung may mga karagdagan pang mga ebidensiya na makakapagturo kung sino pa ang mga sangkot dito.
Una rito, mismong si Lazo ang nagbigay ng go-signal para sa magsasagawa ng operasyon ng mga pulis sa PDEA office sa Taguig City noong December 6.
Base na rin ito sa kumpirmadong intelligence reports kaugnay ng umano’y pagbebenta ng illegal drugs sa mismong PDEA Southern District Office.
Naaresto sa naturang operasyon si PDEA Southern District Office (SDO) chief Enrique Lucero, Anthony Vic Alabastro, Jaireh Llaguno na parehong agents ng PDEA SDO maging ang driver na si Mark Warren Mallo.
Narekober sa mga ito ang P9.1 million na halaga ng shabu at paraphernalia.
Pero sinabi ni Fajardo na maaga pa para mag-especulate kung mayroon pang ibang PDEA agents ang sangkot dito.
Gayunman, ito raw ang focus ngayon ng isinasagawa nilang imbestigasyon.
Hindi rin umano nila inaalis ang posibilidad na mayroong kasabwat ang naturang mga suspek.
Kasabay nito todo pasasalamat naman si Fajardo sa PDEA dahil sa pagiging bukas ng mga ito sa imbestigasyon.
Ang mga kaso naman laban sa mga PDEA agents ay naihain na.










