-- Advertisements --
image 336

Inihayag ng Philippine Coast Guard (PCG) na naglunsad sila ng malalimang imbestigasyon para malaman kung ang MT Princess Empress ay nagpakita ng mga tunay na dokumento na papayagang makapaglayag bago ito lumubog noong Pebrero 28 sa Oriental Mindoro.

Ayon sa tagapagsalita ng PCG na si Armand Balilo, ipinakita ng MT Princess Empress sa istasyon ng PCG Manila ang isang Certificate of Public Convenience (CPC), na inisyu umano ng Maritime Industry Authority (Marina).

Ang Certificate of Public Convenience ay isang awtorisasyon na ibinibigay sa isang vessel para sa water transportation na pangcommercial o public use.

Kung matatandaan, sa pagdinig ng Senado, sinabi ng Maritime Industry Authority o Marina na hindi pa sila naglalabas ng inamyendahang certificate sa RDC Reield Marine Services na nagpapahintulot sa kanilang tanker na MT Princess Empress na mag-operate.

Gayunman, nalaman ng mga senador na nakapaglayag ng siyam na beses ang MT Princess Empress kahit walang nasabing permit mula sa awtoridad.

Sa ngayon, nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang mga kinauukulan patungkol sa motor tanker na napag-alamang walang papel upang makapag-operate sa karagatan.