-- Advertisements --

Aminado ang PhilHealth na nagkaroon sila nang pagkukulang kung kaya’t nagkaroon ng delays sa issuance ng mga memorandum circulars na may kaugnayan sa pag-asikaso sa COVID-19 claims ng mga ospital.

Pag-aamin ito mismo ni PhilHealth Acting Executive Vice President at Chief Operating Officer Eli Dino Santos sa pagdinig ng House Committee on Health hinggil sa resolusyon na nagpapaimbestiga sa kalituhan na idinulot ng issuance ng state-health insurer ng mga circulars tungkol sa availment ng COVID-19 related benefit packages.

Sa pagtatanong ng chairman ng komite na si Quezon Rep. Angelina Helen Tan, sinabi ni Santos na maraming dahilan at pangyayari na dapat ikonsidera kung bakit nagkaroon ng delays, partikular na sa memorandum circular para
sa pagbabayad ng probable cases bilang intermediate package.

Nabatid sa pagdinig na Nobyembre 2020 pa nang inilabas ng PhilHealth board ang kanilang resolution pero Hunyo 2021 lang nang mailabas naman ang memorandum circular para rito.

Kinuwestiyon din ni Tan kung bakit retroactive ang bisa ng naturang memorandum circular gayong dapat ay proactive ang state health insurer sa kanilang mga hakbang dahil umaaray na ang mga apektadong ospital.

Pero ayon kay Atty. JM Tolentino, Senior Vice President ng Legal Team ng PhilHealth, ang basehan kung bakit retroactive ang bisa ng memorandum circular ay ang resolution mismo ng board noong Nobyembre 2020.

Nabanggit din ni Santos ang tungkol sa mga fraudulent claims.

Ayon kay Tan, hindi katanggap-tanggap na inabot ng pitong buwan ang PhilHealth na mailabas ang circular lalao pa at bati naman ng ahensya kung gaano din katagal para sa mga ospital na umapela, at pahirap din ito sa mga pasyente sa kasagsagan ng pandemya.