-- Advertisements --

Umaapela ang Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) sa ilang healthcare workers sa bansa na huwag ituloy ang bantang mass resignation lalo pa ngayong nahaharap ang bansa sa panibagong banta ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay PHAPI president Dr. Jose Rene de Grano, kapag matuloy ang banta na ito ng ilang healthcare workers tiyak na malaki ang magiging epekto sa laban ng bansa kontra COVID-19 pandemic.

Kaugnay nito ay nanawagan din si De Grano sa pamahalaan na bigyan ng special risk allowance ang mga healthcare workers na inilagagay ang sarili sa peligro sa harap ng nararanasang public health crisis.

Nauna nang hinimok ng Philippine Nurses Association ang naturang mga healthcare workers na huwag nang ituloy ang mass resignation.

Pero iginiit nila na hindi naman masisisii ang nagbabantang healthcare workers na ito sapagkat hindi naman talaga maramdaman ng mga ito ang pagpapahalaga ng gobyerno sa kanilang trabaho.