Tinutulan ng Pilipinas ang claim ng Chinese embassy sa Pag-asa Island at Pag-asa Cays at sa mga aktibidad ng mga awtoridad ng PH sa lugar.
Sa isang statement mula sa opisina ni Department of Foreign Affairs (DFA) spokesperson Ma. Theresa Daza, binigyang diin ng DFA ang hurisdiksiyon ng Pilipinas sa Kalayaan Island Group (KIG) sa pinagtatalunang karagatan.
Iginiit nito na ang KIG ay isang mahalagang parte ng PH kung saan may matagal na itong soberaniya at hurisdiksiyon.
Inihayag din ng ahensiya na malinaw na karapatan ng PH na magsagawa ng routine maritime operations at scientific research sa nasabing mga karagatan.
Wala din aniyang karapatan ang China na tutulan at makialam sa lehitimo at routine activities ng PH.
Saad pa ng DFA na alinsunod sa international law ang mga aktibidad ng PH sa lugar partikular na sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS0, 2016 Arbitral Award at 2002 Declaration on the Conduct of Parties on South China Sea.
Hinimok din ng PH ang China na respetuhin ang soberaniya at hurisdiksiyon ng PH.
Ginawa ng DFA ang naturang pahayag kasunod ng remarks ng tagapagsalita ng Embahada ng China sa Maynila na naninindigan sa indisputable sovereignty ng China sa Spratly Islands at adjacent waters nito.
Inakusahan nito ang PH ng paglabag sa Declaration on the Conduct of Parties dahil sa 27 umanong hindi awtorisadong landings ng 167 personnel sa uninhabited features sa disputed waters at ang isinagawang scientific research missions na maihahalintulad aniya sa isang film production at hindi totoong research.