Inisa-isa ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang mga nagawa ng gobyerno sa ilalim ng Duterte administration sa pagdepensa sa ating soberenya lalo sa West Philippine Sea at proteksyon sa karapatang pantao sa bansa.
Sa Pre-SONA Forum kung saan tampok ang Security, Justice and Peace Cluster at ang Climate Change Adaptation and Mitigation and Disaster Risk Reduction Cluster, sinabi ni Sec. Lorenzana na kabilang dito ang pagsusulong sa Code of Conduct of Parties in the South China Sea, gayundin ang pagsasaayos sa mga pasilidad ng militar sa Pag-asa Island.
Ayon kay Sec. Lorenzana, dinagdagan din daw nila ang mga surveillance radars sa mga estratehiong lugar para sa epektibong monitoring sa mga pumapasok sa ating karagatan at patuloy na modernisasyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa pagtatanggol sa ating teritoryo.
Kaugnay sa pagpasok sa ating mga teritoryo at pagtataboy ng mga Chinese vessels sa mga mangingisdang Pilipino, naghain na umano sila ng mga diplomatic protests laban sa China.
Samantala, para sa proteksyon ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa abroad, nagtatag na umano ang gobyerno ng karagdagang embahada at konsulado sa iba’t ibang bansa.
Para naman sa pagsusulong karapatang pantao, kinasuhan na umano nila ang mga pinuno ng CPP-NPA-NDF gaya ni Jose Maria Sison kaugnay sa ginawang purging o pagpatay sa kanilang mga kasamahan noong dekada 80 habang binuwag na rin umano nila ang mga indigenous schools na ginagamit umano ng mga komunista bilang front at dito tinuturuan ang mga kabataan para magalit at lumaban sa gobyerno.















