Inianunsyo ngayon ng Malacañang na magsasagawa na ang Pilipinas ng phase 3 clinical trials sa bakuna kontra COVID-19 na galing ng Russia sa Oktubre 2020 hanggang March 2021.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, sabay na gagawin ang clinical trials sa Pilipinas at Russia.
“Tungkol naman po sa Gamaleya vaccine ng Russia, ito po ang mahalagang pangyayari. Sa Setyembre, magkakaroon ng review ng vaccine expert panel ng resulta ng clinical trials phase 1 and phase 2 na ginawa po sa Russia. Mula Oktubre hanggang Marso naman po ng susunod na taon magkakaroon ng clinical trial phase 3, simultaneous po ‘yan sa Pilipinas at Russia, sabay po itong gagawin nga po sa Russia. Ang Russia po ang magpopondo ng clinical trial na gagawin sa Pilipinas,” ani Sec. Roque.
Sa phase 3 clinical trials, libu-libong volunteers ang tuturukan ng bakuna para suriin kung ligtas at epektibo.
Sa abril ng susunod na taon ay inaasahan nang maaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang bakuna.
Kapag nagkataon, inihayag ni Sec. Roque na sa Mayo 1 ng susunod na taon ay inaasahang matuturukan na ng bakuna si Pangulong Rodrigo Duterte.
“Sa Abril inaasahan pong marerehistro ang vaccine ng Russia sa Food and Drug Administration, at ibig sabihin po sa Maya a-uno 2021 pa lamang pwedeng magpasaksak ng bakuna galing sa Russia ang ating Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Inaasahan po natin na pwedeng magpabakuna ang ating Presidente dito po sa Russian na bakuna sa Mayo a-uno 2021,” dagdag ni Sec. Roque.
















