Opisyal nang iprinisenta ng Pilipinas sa United Nations ang claim nito para sa extended continental shelf (ECS) sa West Philippine Sea.
Pinangunahan ni Permanent Representative of the Philippines to the United Nations in New York, Ambassador Enrique Manalo ang delegasyon sa harap ng UN Commission on the Limits of the Continental Shelf sa New York upang patunayan ang sovereign rights ng bansa sa ilalim ng UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Sa isang pahayag, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na, alinsunod sa Article 75 ng UNCLOS, isinumite ng Pilipinas ang naturang claim para tukuyin ang labas na hanggangan ng continental shelf ng ating bansa.
Saklaw ng lugar ang seabed at subsoil na lalampas sa 200 nautical miles hanggang maximum na 350 nautical miles mula sa baseline.
Ayon sa DFA, ang submission ng PH ay parte ng pananagutan ng bansa para ma-secure ang mapayapang karagatan sa pamamagitan ng rule of law upang maipagpatuloy ang kabuhayan ng mga Pilipino, mapalakas ang kalakalan, maprotektahan ang marine biodiversity at mapagkaisa ang mga bansa o estado na may baybayin o nakaharap sa dagat.
Sa presentasyon ng PH, hiniling nito sa komisyon na ikonsidera ang mga kaugnay na desisyon na ginawa ng tribunals gaya ng 2016 Arbitral Award, na nagtakda ng maritime entitlements o mga karapatang pandagat ng mga estadong may pag-aari sa disputed sea.
Ito na ang pangalawang beses na naghain ang Pilipinas ng ganitong uri ng claim kasunod ng sa Philippine Rise (Benham Rise) na na-validate noong 2012.













