Humingi ng sorry ang Philippine drag queen na si Maxie Andreison kaugnay ng pag-viral nang video kung saan makikita siyang sangkot sa pananakit sa isang fans tatlong taon na ang nakalilipas.
”Ayoko nang maulit ‘yun. Tina-try ko namang magbago,” pahayag ni Maxie.
Sa isang halos dalawang minutong video na ibinahagi niya sa social media, inamin ni Maxie na nagkamali siya sa naging paghawak sa sitwasyon at sinabing nagsisisi siya sa nangyari.
Ayon pa kay Maxie, matagal nang nagkausap at nagkapatawaran ang magkabilang panig matapos ang insidente.
“Sana lang three years ago mas na-handle ko ‘yung sitwasyon nang mas matalino at mas kalmado. Hindi kasi tama talaga na manakit. Hindi siya tama kahit saang aspeto,” ani Maxie.
Sa viral na video, makikita ang isang taong kasama ni Maxie na unang sumampal sa isang indibidwal bago ito sinundan ni Maxie ng pananampal at pagsipa. Hindi naman lumaban ang tinukoy na tagahanga pala ni Maxie.
Samantala, muling kumalat online ang iba’t ibang pahayag tungkol sa pinagmulan ng insidente.
Ayon sa isang post na ibinahagi ng ilang netizens, nagsimula umano ang pangyayari matapos ang performance ni Maxie sa isang bar, kung saan aksidenteng nahila ng isang lasing na fan ang wig ng drag performer habang nagpapakuha ng larawan.
Ayon pa sa naturang pahayag, bumalik umano si Maxie at ang kanyang grupo upang komprontahin ang fan. Gayunpaman, sinasabing nagkaroon ng pagkakamali sa pagkakakilanlan at isang taong walang kinalaman sa insidente ang unang napag-initan bago kalaunan ay napagtantong hindi ito ang hinahanap nila.
Hindi naman ito makikita sa kumalat na viral video matapos i-cut agad ang pagkuha ng viral video.
Matapos nito kalaunan ay humarap ang mismong fan na umano’y nakahila sa buhok ni Maxie at humingi ng paumanhin. Ang sumunod na komprontasyon ang siyang nakunan sa viral video.
Hindi naman tinalakay ni Maxie sa kanyang apology video ang umano’y naging ugat ng insidente. Sa halip, inako niya ang pananagutan sa kanyang naging aksyon at muling humingi ng tawad sa kanyang mga tagahanga.
“Sana, sa susunod na live ko hindi na ako nagso-sorry. Sana last na sorry ko na ito sa inyo,” saad ni Maxie sa post.
Sa kasalukuyan, wala pang pahayag ang kabilang panig kaugnay ng naging paghingi ng tawad ni Maxie at sa muling pag-viral ng insidente.
Bukas naman ang Bombo Radyo para sa panig ng mga nabanggit ng indibidwal.










