Halos 453,000 na ang total ng COVID-19 cases sa Pilipinas, ayon sa pinakabagong report ng Department of Health (DOH).
Nakasaad sa case bulletin ng ahensya, na nadagdagan pa ng 1,156 new cases ang tally, kaya umakyat pa ang total sa 452,988.
Hindi pa raw kasali rito ang datos ng limang laboratoryo na bigong makapagpasa ng report kahapon.
“5 labs were not able to submit their data to the COVID-19 Data Repository System (CDRS) on December 15, 2020.”
Ang lungsod ng Davao na naman ang nangunguna sa mga lugar na may pinakamataas na numero ng mga bagong kaso ng coronavirus, na umabot sa 126. Sumunod ang Quezon City (66), Rizal (64), Bulacan (56), at Lungsod ng Maynila (38).
Nasa 24,873 pa ang active cases o mga nagpapagaling. Mula sa kanila, 84.7% ang mga mild cases; 6.7% ang asymptomatic o walang sintomas; 5.6% ang mga nasa kritikal na kondisyon; at 2.8% ang mga severe.
May 0.30% namang itinuturing na moderate cases.
Samantala, nadagdagan ng 425 new recoveries ang kabuuang bilang ng mga gumaling mula sa COVID-19 na ngayon ay nasa 419,282 na. Habang ang total deaths ay sumirit pa sa 8,833 matapos madagdagan ng 21 na bagong namatay.
“7 duplicates were removed from the total case count. Of these, 3 recovered cases and a death have been removed. Moreover, 7 cases previously tagged as recovered were reclassified as deaths.”