Kinumpirma ng Philippine Consulate General sa Hong Kong na nasawi ang isang 17 anyos na Pinoy matapos mahulog sa tulay noong gabi ng Biyernes, Hunyo 26.
Sa isang pahayag, nakasaad na ipinaalam ng pulisya sa Konsulada ng Pilipinas ang pagkasawi ng binatilyong Pilipino matapos mahulog umano mula sa Chau Tsai Bridge sa Peng Chau.
Base sa mga ulat, isinugod pa siya sa ospital ng Hong Kong Government Flying Service subalit sa kasamaang palad, idineklara siyang wala nang buhay.
Sa ngayon, wala aniyang nakikita ang Hong Kong Police na kahina-hinala sa pangyayari kaugnay ng pagkamatay ng binatilyong Pinoy.
Tiniyak naman ng Konsulada ang pagbibigay ng tulong at nagpaabot ng pakikiramay at dasal sa naiwang pamilya ng nasawing binatilyo.
Nanawagan naman ang mga awtoridad na iwasang magpakalat ng maling impormasyon kaugnay ng insidente.










