Target ng Pilipinas na palawakin pa ang access ng mga lokal na produktong pagkain sa European Union kasabay ng pakikipagkasundo sa Czech republic para palakasin ang agriculture trade at palawigin ang technology transfers.
Sa isang statement, sinabi ng Department iof Agriculture na nilagdaan ng PH at Czech Republic ang letter of intent para paigtingin ang kolaborasyon pagdating sa mga inisyatibo sa sektor ng agrikultura.
Kaugnay nito, ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na mayroon ng ilang mga produkto na handa na i-export kayat napakahalaga aniya ang access sa merkado lalo na as European Union na isa sa pinakamahusay na merkado sa buong mundo para sa mga produktong Pinoy.
Maliban sa market share, interesado din ang bansa na matuto pa sa dairy industry ng Czech Republic na kabilang sa pangunahing dairy producers sa Europa gayundin sa water at irrigation management, livestock production at online platform.
Sa ngayon kasi, inaangkat ng PH ang 99% ng kinakailangang dairy products na karamihan ay mula sa US at New Zeland.
Nagpahayag naman ang gobyerno ng Czech Republic ng intensiyon na magbigay ng training para sa pagsasaka, livestock production, irrigation at water management.
Sinabi din ni Czech Agriculture Minister Marek Výborný na handa din ang kanilang bansa na tumulong sa mga negosasyon may kinalaman sa agrikultura at kalakalan.
Inihayag din ng opisyal na nangangailangan ngayon ang European country ng mas maraming manggagawang Pilipino para malinang pa ang sektor ng agrikultura at mapataas ang output sa pagkain.