Isinasapinal pa sa ngayon ng pamahalaan kung anong araw sa Setyembre sisimulan ipatupad ang granular lockdowns sa gitna pa rin ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, pinagpipilian pa nila kung sa Setyembre 8 o Setyembre 13 sisimulang ipatupad ang paggamit ng granular lockdowns sa iba’t ibang lugar sa bansa sa halip ng umiiral ngayon na community quarantine classifications.
Sinabi ng kalihim na nais din muna nilang mabigyan nang pagkakataon ang mga local government units na makapaghanda sa bagong polisiya na ito.
Nabatid na sa Setyembre na rin nakatakdang mapaso ang isang taon na state of calamity na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte bunsod ng COVID-19 pandemic.
Magugunita na sa nakalipas na mahigit isang taon, umikot lamang ang quarantine classifications sa bansa sa pinakamahigpit na enhanced community quarantine, pababa sa modefied ECQ, general community quarantine (GCQ), at ang pinakamaluwag na modefied GCQ.