-- Advertisements --

Salungat sa itinatakda ng Saligang Batas ang ang ilang probisyon ng Anti-Terror Act na pinagtibay ng Korte Suprema, ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman.

Partikular na tinukoy ni Lagman, na isa sa mga petitioners laban sa ATA, ang tungkol sa pagkilala ng Korte Suprema sa Section 29 ng kontrobersyal na batas na tumutukoy sa maximum 24-araw na pagkakabilanggo ng mga terror suspects kahit walang judicial warrant of arrest.

Malinaw naman aniyang nakasaad sa Konstitusyon na tanging ang mga korte lamang ang makakapagpakulong sa isang suspect sa pamamagitan ng ilalabas na warrant of arrest laban sa mga ito.

Pero kahit nga sa mga warrantless arrest, iginiit ni Lagman, ang pagkakabilanggo ng isang suspect ay hindi maaring palawigin at dapat kaagad itong maiharap sa judicial authority.

Nakasaad din aniya sa Saligang Batas na tuwing nahaharap sa “extraordinary precarious times” kapag suspendido ang privilege of the writ of habeas corpus, ang isang tao na dinakip ay dapat na mapalaya rin kaagad, kung wala rin namang naihain na kaso laban sa kanya, kasunod na rin ng expiration ng tatlong araw na pagkakabilanggo.

Kapag manatili naman ang isang suspek sa loob ng bilangguan labas sa hurisdiksyon ng korte ay maari rin aniya itong maging biktima ng torture at pamimilit na paglabag din sa Bill of Rights.

Nababahala naman si House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate sa posibilidad na magresulta sa pagdami pa lalo ng pagpaslang at pag-atake sa mga kritiko ng administrasyon, lalo na sa papalapit na halalan, ang naging desisyon ng Korte Suprema.

Bagama’t nanatili namang option ang motion for reconsideration, ang higit na kailangan laban sa “draconian plans” ng mga nasa puwesto ay ang palaging pagiging mapagmatyag ng taumbayan.

Kaya nanawagan sila sa samabayanang Pilipino na manatiling alerto habang patuloy na nilalabanan, isinasisiwalat at tinututulan ang anumang pang-aabuso ng administrasyon.