May tinututukan nang persons of interest ang Philippine National Police kaugnay sa naging pananambang sa convoy ni Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong Jr.
Ayon kay PNP spokesperson, PCol. Jean Fajardo, may natukoy na ang Police Regional Office ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na pagkakalanlan ng mga indibidwal na posibleng nasa likod ng nasabing insidente.
Habang kasabay aniya nito ay nagpapatuloy rin ang pagkalap ng pulisya ng mga impormasyon mula sa mga pahayag ng mga nakaligtas na biktima sa naturang ambush.
Kung maaalala, una nang sinabi ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na isa ang rido o away pamilya sa kanilang mga tinitignang motibo sa pamamaril sa gobernador.
Ngunit inihayag din ni Fajardo na bukod dito ay tinitignan din nila ang anggulong posibleng may kinalaman sa kaniyang trabaho sa politika o personal.
Samantala, sa kabila ng mga ito ay nananatili pa ring palaisipan sa pamilya ng Adiong ang naturang pangyayari dahil wala naman raw itong natatanggap na death threat o anumang banta bago ang nangyaring pananambang.