-- Advertisements --

Kinondena ng Negros Oriental Police Provincial Office ang nangyaring ng pamamaril na humantong sa pagkamatay ng personal na driver ni 3rd District Congressman Arnie Teves.

Nakilala ang biktima na si Juvanie Catubay, 38 anyos at residente ng Poblacion, Sta. Catalina, Negros Oriental.

Ayon sa pulisya, pauwi na sana ang biktima sakay sa kanyang scooter motorcycle.

Dumaan ito sa isang tindahan para magtanong kaugnay sa biniling buhangin nang bigla nalang may dumating na dalawang indibidwal na nakamotorsiklo at nakasuot ng full face helmet.

Bumunot ng armas ang backrider at binaril ng makailang beses si Catubay kaya tinamaan sa ulo dahilan sa agarang pagkamatay nito.

Agad namang tumakas papalayo ang suspek dala ang motorsiklo ng biktima.

Narekober naman sa crime scene ang 10 pirasong empty shell ng cal 5.56, at 1 empty shell at isang deformed slug ng cal. 45.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya at nangakong doblehin ang kanilang pagsisikap upang matukoy ang mga salarin.

Samantala, nanawagan naman si Teves ng agarang paglutas hindi lang ng nangyaring pagpatay sa driver nito kundi maging sa iba pang insidente ng pamamaril sa lalawigan.